Nang kalbuhin ko yung ulo ko kahapon, nadiskubre kong lumaki na pala yung nunal ko sa ulo. Sa biglang tingin,aakalain mong may malaking pasas na tumubo sa ulo ko. Sunod na lumitaw pagkatapos ng pasas ay yung mga maliliit na pulang isla sa anit. Hindi ko alam na may mga nabubuo na palang pamayanan sa bumbunan ko. Buti na lang sinunod ko yung utak ko. Sabi niya, gusto daw niyang makahinga ng mas maluwag.
Kaya ayun, kinuha kong muli ang binili naming hair clipper/shaver at pinalaya ko ang ulo ko mula sa aking makapal na buhok. Mahal kasi ang magpagupit dito, 10-15$. Gupit na parang minadali pa yun. Nung una nga akong nagpagupit dito, hinayang na hinayang ako sa 12$ na binayad ko. Mahigit 400 Php din yun. Aba, makakapagpagupit ako sa Pinas sa paborito kong barberya sa halagang 30-40php.
Ang pinakamahal na nagastos ko para sa gupit sa Pinas ay 380Php. Yun eh nung naisipan kong dumayo sa megamall at maexperience ang touch ni Ricky Reyes. Dahil may ipon naman ako noon, pumunta ako sa pagupitan nila at nakuha naman nung stylist yung gusto kong gupit. Nagig masaya ako nang mga dalawang linggo. Pagkatapos noon, mahaba na ulit yung buhok ko, sabog na ulit, wala na yung style.
Nang pangalawang beses akong magpagupit dito, 10$ naman ang singil. Mas mura ng onti kesa sa una. YUn nga lang, panalo din maggupit yung ateng Mexicana na kumana sa buhok ko. Wooh! Pinadaanan lang niya ng hair clipper yung buhok ko tapos inahit-ahit nang parang wala lang. Ayun, ang kinalabasan, buhok na parang wala lang. Yung tipong biglang naputol ang patilya nang walang dahilan. Ganun.
Iba pa rin ang mga Barbero, Manggugupit at stylist na mga Pinoy at Pinay. Yung 40Php mo, maayos na yun na gupit. Dito, kung pwede nga lang eh, magpapanggap din akong manggugupit tulad nila. Naman! 10-15$ kada ulo! Tiba-tiba ka na din nun!
Di ko naman talaga intensyong kalbuhin yung sarili ko. Nung unang beses kong tinangkang gupitan ang sarii ko, ayus naman ang kinalabasan. Matinong trim, layers layers kunwari. Basta masaya ako sa kinalabasan. Pero kahapon, sadyang gutom ata sa buhok yung hair clipper at kinain niya na lang yung buhok ko. Kaya ayun, wala na akong choice kundi kalbuhin ang aking ulo. Isa pa, ayos na din dahil presko, mas nakakahinga ang ulo, ang utak. Isa pa, nakikita ko yung mga bagay na tumutubo o lumalaki sa ulo ko: nunal, balakubak, buhok, at marami pang iba.
Inihanay sa: Uncategorized
ako, malapit na magpakalbo. haha. pagkatapos ng magiging pagtatapos ko sa kolehiyo, ibabalik ko na si baby ama! haaay. mahirap gastusin ng basta basta ang pera lalo na pag pinaghirapan mo eh noh?